Manny Pacquiao: 'Mag re-resign po ako kung walang korapsyon sa gobyerno ngayon'

 

Senador Manny Pacquiao | Photo from Inquirer


Sinabi ni Senador Manny Pacquiao nitong Miyerkules na handa umano siyang magbitiw sa politika kung may makakapagsabi na walang katiwalian sa pamahalaan.

“Sa totoo lang tanungin mo ang taumbayan, sabihin mo sa taumbayan na walang korapsyon na nangyayari, magre-resign po ako kung ganun sabihin na walang korapsyon sa gobyerno na nangyayari ngayon. Marami po,” pahayag ni Pacquiao sa ABS CBN News Channel

“Naway sino man yung nagkasala o nagnakaw, mga kawatan dyan sa gobyerno, ipakulong natin. Sama sama po tayo para maimbestigahan at mabigyan ng hustisya ang ating mga kababayan na matagal nang naghihirap at nagsakripisyo,” dagdag pa ng mambabatas

Ito ang naging tugon ni Pacquiao nang tanungin tungkol sa naunang pahayag ni Senador Christopher "Bong" Go na walang "grand scheme" ng katiwalian sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa isang privilege speech noong Martes, binatikos ni Go ang mga pagtatangka na maiugnay siya sa kontrobersiya kaugnay ng mahal na PPE na kasalukuyang iniimbestigahan ng Senado at House of Representatives.

“Ang gusto po ng kalaban is to discredit the COVID response of the administration,” ani Bong Go.

“Sa administrasyong ito, walang grand scheme ng pagnanakaw lalo na ngayong pandemic. Hindi po papayag si Pangulong Duterte. Galit po kami ni Pangulong Duterte sa mga magnanakaw,” dagdag pa nito

 


Post a Comment

0 Comments