Makabayan Bloc: 'Saan makakarating ang P1k na ayuda? Kakapirangot'



Para sa mga militanteng kongresista, "mumo" lang o kakapirangot ang P1000 na ayuda na ipapamahagi ng pamahalaan para sa isang linggong pang gastos para sa mga apektado ng enhanced community quarantine (ECQ) sa Metro Manila at sa 4 pang probinsya.

Ayon kay Bayan Muna party-list Rep. Eufemia Cullamat hindi daw dahil sa COVID mamamatay ang mga tao kundi dahil sa gutom dahil sa kawalan ng tulong mula sa gobyerno.

"Mamamatay sila sa gutom dahil wala ngang tunay na ayuda. Ang bilyon-bilyong inutang ay 'di mapupunta sa taong-bayan." ayon kay Cullamat

Samantala, para naman kay ACT Teachers party-list Rep. France Castro, napakaliit daw ng P1000.

"Saan makakarating ang P1000 na ito at maximum daw na P4000 kada pamilya? Parang nakapaliit nito kaugnay doon sa kahilingan ng mangagawa. Mumo ang ibinigay samantalang palala ang COVID-19," ani Castro.

Giniit naman ng Gabriela, walang patutunguhan umano ang maliit na halagang ito. Dahil dito muling kinalampag ng grupo ang kamara madaliin ang pagpapatibay ng inihain nilang panukala na magbibigay daan sa P10,000 tulong pinansyal sa mga apektadong pamilya.

Matapos ianunsyo ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagsasailalim ng ECQ sa Metro Manila at karatig probinsya nito, sinabi ng Department of Budget and Management aprobado na rin ang inilaang ayuda para sa mga low-income na pamilya.


Post a Comment

0 Comments