Syrian national sinorpresa ang mga garbage collector, mga relief goods inilagay kunwari sa basurahan



Photo courtesy of Facebook


Isang Syrian national na kinilalang si Basel, ang naging viral sa social media dahil sa kanyang pagsorpresa sa mga garbage collector sa kanilang lugar.

Makikita sa Facebook page ni Basel, na isa ring sikat na vlogger na kilala sa pangalang the Hungry Syrian Wanderer, ang kanyang pagsorpresa sa mga garbage collector na madalas kumukuha ng kanilang mga basura.


Ayon sa Syrian vlogger, "Inabangan ko po sila and I surprised them and made some 'mini trash bins' full of groceries." 

Dagdag pa niya, isang maliit na paraan lamang ang kanyang ginawa para naman makatulong sa kanila habang naka enhanced community quarantine pa tayo.

Ani pa ni Basel, ang mga kagaya nilang garbage collector ay mabibilang din na mga frontliners sa panahong ito.

Kaya naman buong puso syang nagpapasalamat sa mga ito dahil sa kanilang serbisyo para sa mapanatiling malinis at ligtas ang ating lugar kahit na may bantang panganib dulot ng COVID19.


Bakas sa mga mukha ng mga garbage collector ang kagalakan dahil sa sorpresang natanggap mula sa mabuting dayuhan.

Agad namang nagpasalamat ang mga netizens kay Basel at muling pinuri ito sa social media.

Madalas din nating nakikita si Basel na isa sa mga laging nangunguna sa mga tumutulong sa oras ng kalamidad at krisis na nararanasan ng ating bansa. 

Isa na rito ay nang pumutok ang Taal Volcano, kung saan ay namigay naman sya ng mga N95 masks at relief goods sa ating mga kababayan. 


Bagaman isang dayuhan si Basel aka the Hungry Syrian Wanderer, itinuturing nyang pangalawang tahanan ang Pilipinas at masasabing sya ay may pusong Pinoy dahil sa pagmamalasakit nya sa ating mga kababayan.

Sa gitna ng krisis na nararanasan natin ngayon dulot ng coroana virus outbreak, tila masasabi natin na mahirap ang ating kalagayan dahil sa pagdeklara ng Luzon-wide lockdown ng Pangulong Duterte.

Dahil dito, pansamantalang sinuspinde ang mga trabaho, public transportation at pili lamang ang mga bukas na pamilihan sa iba't-ibang lugar at mahigpit na binabantayan ng ating mga kapulisan ang bawat kalsada upang mapanatili tayong ligtas.

Kaya naman naging mahirap ang paglabas at pagbili ng mga supplies gaya ng mga pagkain, gamot at iba pang pang araw-araw nating pangangailan.


Nawa'y matapos na sana ang krisis na ito at magbalik na uli sa normal ang ating mga buhay, may awa ang Diyos at matatapos din yang corona virus na yan. Stay safe po at kasihan nawa tayo ng may Kapal.

Post a Comment

0 Comments