Mga residente sa QC nagprotesta para manawagan ng tulong, inaresto ng mga pulis



Photo courtesy of DZRH News


Nagprotesta ang ilang mga residente ng Sitio San Roque, Brgy. Bagong Pag-asa sa Quezon City dahil sa diumano’y kakulangan ng tulong sa kanilang lugar. 

Nanawagan ang mga ito at kanilang hinahanap si Quezon City Mayor Joy Belmonte upang humingi ng ayuda. 


Ayon sa Facebook video na ibinahagi ng GMA News Online, ipinaliwanag ng isang ginang na kasama sa mga nagproprotesta, na sila raw ay hihingi sana ng tulong matapos nilang mabalitaan na ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Department of Labor and Employment (DOLE) ay mamimigay ng P8,000 cash assistance sa bawat pamilya.

 Kaya agad naman nilang inasikaso ang kanilang mga dokumento para rito at agad sumugod sa barangay para ipasa ang mga ito. 

“Hindi pa po kami nakarating ng barangay, hinarang po kami ng mga militar kasi raw, wala naman daw ipinaabot na magbibigay,” ayon sa isang residente. 

Sa kaugnay na video na ibinahagi ng DZRH News sa Twitter, nanawagan din ang mga nasabing residente sa mayor ng Quezon City na tulungan sila. 


“Nananawagan po kami dahil sa kagutuman, walang aksyon ang aming mayor, walang plano na maayos," sabi ng isang ginang. 

Base sa ulat ng CNN Philippines, mahigit 20 na residente ng Quezon City ang inaresto sa may bahagi ng EDSA sa Barangay Bagong Pag-asa kung saan sila ay nagpo-protesta kahit na walang permit mula sa gobyerno.

Samantala, dumating ang mga tauhan ng Quezon City Police Department (QCPD) upang harangin at arestuhin ang mga ito. 

Ayon sa lokal na pamahalaan ng lungsod ng Quezon, nasa 952,000 na relief packs na ang kanilang mga naipamahagi simula pa noong ipinatupad ang enhanced community quarantine sa buong Luzon. 

Sa kasalukuyan datos, nasa 151 na ang kumpirmadong kaso ng coronavirus disease (COVID-19) sa Quezon City. Ang 27 dito ay mga pumanaw na at ang 11 naman ay gumaling na. 

Post a Comment

0 Comments