Mga barangay staff na naghain ng closure order sa lugawan na sangkot sa viral video, papatawan ng disciplinary action

Photos courtesy of GMA News



Nangako ang barangray chairman ng Muzon sa San Jose del Monte, Bulacan na kanyang papatawan ng kaukulang disiplina ang kanyang mga barangay staff na sangkot sa pananakot na ipapasara umano ang lugawan na naging viral kamakailan sa viral na "Lugaw video".


Sa isang Facebook post ni Brgy. Muzon Chairman Marciano Gatchalian iprinisenta nito sa isang video ang dalawang barangay officers na sina Rudy Bernardino at Tomohiro Aoki, na sangkot sa pangha-harass sa kainang "Lugaw Pilipinas" habang ibinibigay ng mga ito ang di umanong "closure order" sa nasabing kainan.


Ayon pa sa GMA News, sinabi ng delivery rider na si Marvin Ignacio na saktong nasa kainan ng mga oras na inihahain ang umanong closure order, na kahina-hinala umano ito dahil mukhang hindi naman ito orihinal na kopya at inihatid ito habang naka-curfew na, nitong hwebes ng gabi.


Si Ignacio ang delivery rider ng lugaw na nagviral kamakailan na pinagbawalan ng barangay officer na si Phez Raymundo na maghatid sa customer nito.


Sa pangunguna ni barangay chairman Gatchalian, humingi ito ng paumanhin at nangakong papatawan nya ng kaukulang parusa ang mga barangay staff na sangkot sa insidente.


"Asahan po ninyo na bilang ama ng Barangay Muzon ay sisikapin ko pong magampanan ang lahat ng mga bagay na aking gagawin at particular na po itong sa disiplina sa pag-uugali at sa tamang approach ng mga tao sa pakikipag-usap," ani chairman Gatchalian. *


"At maipakita rin po sa kanilang lahat na dito ay walang pinipili sa pag-iimplimenta ng pagdidispilina. Lahat po ay hindi ko kokonsintihin basta may nagawang pagkakamali. Alam po nila lahat iyan," dagdag pa ng punong barangay.


Bagaman, hindi na nito sinabi kung anong klase ng disciplinary action ang ipapataw sa mga nagkamaling tauhan, nakikiusap naman ito sa madla:


"Sana po ay mapagbigyan at mapatawad niyo na po kami sa aming pagkukulang at pagkakamali."


Sa kabila nito, nagsalita din ang dalawang barangay staff na sangkot di umano sa harassment na sina Bernardino at Aoki at handa nilang harapin anumang parusa na ipapataw sa kanila kasabay na din ang paghingi ng kapatawaran.


"Asahan niyo pong hindi na po ito mauulit. Haharapin po namin kung ano ang ibibigay na kaparusahan sa amin ng aming kapitan," saad ni Aoki. *


"Doon po sa nangyari na parang harassment po ang nakita nila ay pasensya na po dahil wala po kaming intensyon na sila ay harassin o masaktan. Ang gusto lang po namin ay maibigay yung papel para may kopya sila," dagdag pa nito.


Post a Comment

0 Comments