Tahasang hinamon ni Pangulong Rodrigo Duterte si Bise Presidente Leni Robredo nitong Linggo na bakit hindi sya ang maunang magpa bakuna dahil mas kwalipikado siyang maturukan ng gamot laban sa Covid-19.
Ang pahayag na ito ng pangulo ay kanyang naging tugon sa naunang panawagan ni Robredo na magpabakuna muna siya upang mapalakas ang kumpiyansa ng publiko sa bakuna.
Ayon kay Duterte, gustuhin man niyang maunang mabakunahan, inaantay pa umano niya ang clearance mula sa kanyang doktor kung anong bakuna ang nararapat sa kanya.
“Siya [Robredo] man ‘yong apurado, siya ang mauna. Ako, I cannot just decide. She’s young, I am not. I have to defer to my doctor,” ayon kay Duterte sa isang press conference habang nagaganap ang turn over ng Sinovac vaccines
“Eh bakit dadramahin pa ‘yang sinong mauna, sinong… Ako magpabakuna. Ang problema ang doktor ko may hinihintay,” dagdag ng pangulo
Samantala, sinabi naman ng tagapagsalita ng kampo ni Robredo na si Barry Gutierrez na handa umanong magpa bakuna ang ikalawang pangulo upang hikayatin ang publiko na mabakunahan na.
Sinabi din ng pangulo na dapat siyang maging maingat sa bakuna dahil sa kanyang edad.
Ang bakunang Sinovac ay Inirekumenda lamang para sa mga malusog na indibidwal na may edad na 18 hanggang 59. Hinihintay ng pangulo ang isa pang brand ng bakuna na hindi niya na pinangalanan.
“Ako naghingi ako, personal. Wala silang stock. Nanghingi ako para sa pamilya ko pati sa ‘kin. I do not know if we would have enough vaccines for everybody, but I think I can accommodate itong Cabinet members,” aniya
Naunang sinabi ng Palasyo na mas gusto ng Pangulo ang isa pang bakuna na tinatawag na Sinopharm.
0 Comments