Photo courtesy of GMA News |
Sa kabila ng Enhanced Community Quarantine, naaresto ang isang magkakaanak nitong Lunes sa isang buy-bust operation sa Barangay Tatalon, Quezon City.
Hinala ng maga pulisya na ipinampuhunan ng mga suspek ang natanggap na ayudang P6,700 mula sa Social Amelioration Program (SAP) sa pagtutulak ng droga kung saan nahuli sa mga ito ang 13 pakete ng shabu na nagkakahalaga ng P34,000.
Ayon sa ulat ng GMA News "24 Oras" nitong Martes, kinilala ang mga naarestong suspek na si ginang Elvie Flores, at mga anak nitong sina Angelito at Nathalie, at ang kanyang balae na si Raquel Bona.
Napag-alaman din na sina Elvie at Bona, ay parehong benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program, kaya nakatanggap daw ng tig-isang P6,700 ang mga ito.
“‘Yong kaniyang anak, ginagamit na tagapag-abot ‘pag may bumibili ng droga. Siya ‘yong ginagamit na runner and then ‘yong kaniyang balae, base sa ating imbestigasyon ay gumagamit din o kumukuha,” pahayag ni Police Captain Randy Llanderal, commander ng Quezon City Police District Station 11.
Hindi naman itinanggi ni Elvie na tatlong taon na siyang nagbebenta ng ilegal na droga kasama ang kaniyang mga anak.
“Pinambubuhay ko po sa mga anak ko dahil wala po akong asawa,” paliwanag ng ginang.
“Sa sobrang kahirapan po ng buhay kaya po namin nagagawa ‘yon.” Pahayg naman ng anak nitong si Angelito na kasamang naaresto sa buy-bust operation.
Todo tanggi naman ang isang anak nito na si Bona na sangkot siya sa ilegal na transaksyon.
“‘Di ko po alam ‘yong transaksyon nila,” ani ng balaeng si Bona.
Nang tanungin ang mga ito kung ano ang ginawa nila sa ayudang natanggap mula sa pamahalaan.
Giit ng mga suspek na ipinambili nila ng pagkain ang natanggap nilang pera mula sa gobyerno ngunit iba ang paniwala ng mga awtoridad.
"Ito ang ginagawa nilang puhunan and inamin naman nitong tao 'di ba na talagang kanila, at 'yang ang ginagawa nga na pambuhay sa kaniyang pamilya," sabi ni Capt. Llanderal.
Ayon sa mga awtoridad, mahaharap sa kaukulang reklamo ang mga suspek kauganay sa illegal na droga.
Maraming beses na ding napabalita na nagamit umano sa droga ang perang ayuda na ibinibigay ng gobyerno para matulungan ang mga nagigipit habang umiiral sa ang ECQ.
Kamakailan lang ay isang lalaki ang inaresto sa Bacoor, Cavite matapos mahulihan ito ng isang sachet na hinihinalang may lamang shabu.
Inamin naman ng suspek na galing sa natanggap niyang P6,500 na Social Amelioration Program ang ipinambili niya ng droga na halagang P150 para pampalakas nya sa pagtatrabaho bilang construction worker.
0 Comments