Paggamit ng kita ng BCDA para sa modernisasyon ng AFP nais ipinabubusisi ni Hontiveros

 

Photo from ABS CBN


Nais ni senadora Risa Hontiveros na makagawa ang Senado ng mabusising pag-audit sa operasyon ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA) at ang pagpapagamit nito ng pondo sa AFP.  

Dahil dito inihain ni Hontiveros ang Senate Resolution No. 520 para makapagsagawa ng imbestigasyon sa tulong ng batas upang masuri ang paggamit ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa remittances ng BCDA para sa modernisasyon ng sandatahang lakas.

Sinabi ni Hontiveros na marami umanong katanungan tungkol sa ginawang tulong ng BCDA sa sandatahang lakas.

Aniya, nararapat lang din na tiyakin na may sapat na pondo upang siguruhin ang modernisasyon ng AFP dahil sa panloob at panlabas na banta sa seguridad ng bansa.

“Ngayong patuloy ang banta ng terorismo at ang pang-gigipit ng China, kailangan natin siguraduhin na may sapat na pondo para sa modernisasyon ng ating sandatahang lakas,” ayon sa pahayag ng mambabatas nitong Huwebes

“We need to conduct a comprehensive audit of the proceeds from BCDA’s operations over the years, to determine whether the AFP has been receiving its rightful share of such proceeds to finance its modernization projects,”dagdag pa niya

Samantala, naunang ibinunyag ni General Gilbert Gapay, ang chairman ng Joint Chiefs of the AFP, na nabigo ang BCDA na mag-remit sa AFP ng P13.2 billion, na alinsunod sa Bases Conversion and Development Act.

Bagay na itinanggi naman ng BCDA at sinabing ang pondo ay hawak lamang ng Bureau of Treasury at maaaring ilabas kung ito ay kakailanganin.

Dahil sa magkaibang sinasabi ng magkabilang kampo, nais ni Hontiveros na magkalinawan.

“Nasaan na ba talaga ang P13.2 billion na hinihingi ng AFP?” aniya

Binanggit din ni Hontiveros ang naging ulat ng Commission on Audit noong 2017 kung saan wala umanong nakuha ang AFP mula sa BCDA.

“Ang bawat piso na hindi naibibigay sa modernisasyon ng AFP ay naglalagay sa buong bansa sa alanganin,” ayon pa kay Hontiveros

 

Post a Comment

0 Comments