Bishop Pabillo: P389-M white sand project ng Manila Bay, hindi bagay sa kahirapang dulot ng pandemya

 

Larawan mula sa Daily Tribune at ABS CBN


Hindi rin nagustuhan ni  Archdiocese of Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo ang pagpapaganda at paglalagay ng artipisyal na white sand sa Manila Bay dahil ito ay hindi umano napapanahong proyekto sa gitna ng pandemyang nararanasan sa bansa.

Sa isang panayam sa Radyo Veritias, sinabi ni Pabillo na hindi tamang mas bigyan ng prayoridad at pondo ang ganitong proyekto dahil mas marami ang nagugutom dahil sa krisis.

“Ngayong panahon po na napakaraming mga tao na walang trabaho, na walang pagkain, tapos kung gagawa ng ganyang project na aabutin ng higit P300 million para lang sa white sand, parang hindi po angkop sa ating panahon ngayon," ayon sa pahayag ni Pabillo

Aniya pa, mas dapat na ilaan ng Department of Environment and Natural Resources ang pondo para sa rehabilitasyon sa pagbibigay ng trabaho at pagkain sa mga mas apektado ng pandemya.

“So ‘yan po'y marami pong mga hindi tama sa paggawa po ng project at lalung-lalo na sa'ting panahon ngayon na hindi angkop sa kalagayan ng ating bayan. Kaya kung ang DENR ay may pera, itulong nya sana sa mga pagbibigay ng trabaho, pagbibigay ng pagkain sa mga nangangailangan,” dagdag ni Pabillo

Ayon pa sa obispo, hindi rin naman sigurado na magtatagal ang white sand at ang pagpapanitili ng kagandahan ng Manila Bay  dahil mapupuno lang naman daw ito ng basura lalo na kapag bagyo.

“Hindi pa naman natin sigurado na ang white sand na ‘yan ay mananatili kasi alam naman natin na kapag t'wing bumabagyo ay talagang pinapasukan ‘yan ng lahat ng mga dumi so, pansamantala lang ‘yung kagandahan nyan.” Pahayag ni Pabillo

Para naman sa DENR, ang paglalagay ng synthetic na white sand sa Manila Bay ay maaaring maka-discourage sa mga tao na mag tapon ng basura dito.

Nagbigay ng pahayag ang DENR matapos na umani ng batikos ang white sand na gawa sa durog na mga dolomite boulders na ipinadala mula sa lalawigan ng Cebu.

Ayon pa sa opisyal ng DENR na si Undersecretary Benny Antiporda, dalawang taon nan ang simulant ang proyekto, kasama na ang paglilinis at pagalis ng burak sa ilalim ng dagat.

“Mga dalawang taon na po mula nang nagsimula ito, nung desilting, nung ating tanggalin ang mga burak sa ilalim, linisin iyong buong dagat. May mga gulong pa sa ilalim na narecover, natanggal na po ito at nilagyan na po ng buhangin. Supposedly black sand po iyan, naging white sand po,” ayon kay Antiporda

Samantala, suportado din ni Manila Mayor ang nasabing proyekto bilang pagpapaganda sa Manila Bay.

 

 

 

 

Post a Comment

0 Comments