Coco Martin slams the gov't anew: 'Bakit sa panahon ngayon, kami pang mga artista ang naisip nyong tanggalin, nasaan ang hustisya?'


Screencap photo from ABS-CBN


Muli na namang naging emosyonal ang "Ang Probinsyano" star na si Coco Martin, dahil sa atakeng ginawa ng pamahalaan upang mapasara ang ABS-CBN.

Sa Facebook Live video event na "Laban Kapamilya" nitong Biyernes ng gabi, buong tapang na naglabas ng sama ng loob si Coco Martin at iba pang mga artista ng Kapamilya network matapos ang "cease and desist" order ng NTC.



No holds barred na paglabas ng saloobin ng iba't ibang mga kapamilya stars na nawalan ng trabaho dahil sa pagsasara ng kanilang istasyon.

“Hindi labanan ’to ng diplomasya. Binarubal na tayo. Tinarantado na tayo. Kinuha na iyong bahay natin. Anong ie-expect natin? Pagdadasal natin sila? Pinagdasal na natin sila. Tiniis na natin sila. Dapat kumilos na tayo. Magsalita tayo,” ani Coco Martin.

“Kasi kung lahat tayo mananahimik, aabusuhin tayo niyan... Kasi ito iyong pagkakataon natin. Wala na tayong trabaho. Ano ang iingatan natin?” dagdag pa nito.

Binanatan ni Coco ang pamahalaan dahil sa naging desisyon nito na ipasara ang kanilang network kahit nasa gitna ng krisis sa pandemyang COVID-19.



“Ano ang uunahin natin ngayon? Tanggalin ang kompanya na tumutulong sa ating kapwa, sa lahat ng mga Pilipino, o ’yung sugal na pinapasok sa ating bansa? Buti pa ’yung POGO, pinaglalaban niyo. Itong kompanyang tumutulong sa lahat ng mga tao ngayon, pinasara niyo," saad pa ng aktor.

Hindi rin matanggap ni Martin ang pahayag ni Presidential spokesperson Harry Roque na ang mga empleyadong nawalan ng trabaho ng ABS-CBN ay maaring lumapit sa Department of Labor and Employment (DOLE) upang makahingi ng ayuda. 

“Ang buong Pilipinas nga hindi niyo masuplayan, pati pa kami makikidagdag?” banat nito.

Giit pa ng aktor, ang ABS-CBN kasama ang mga kapwa nya artista ay katuwang ng pamahalaan sa pagresponde sa krisis na kinakaharap ng bansa dulot ng pandemya.



“Kasi po ito ang pagkakataon namin para tumulong. Kasi po ‘yong mga hindi nagagawa ng iba, kami na po ang gagawa. Kasi nakakahiya naman po sa inyo,” sabi ni Martin.

Dagdag pa ng matinee idol, na hindi niya hahayaang magsara ang ABS-CBN ng ganun-ganun na lang, ang network na syang nagbibigay sa kanila ng kabuhayan lalo pa't ito ang nagbigay sa kanya ng break sa showbiz.

“Wala po akong talento. Ang liit ko. Ang pangit ko. Itim ako. Bulol ako. Hindi ako marunong mag-Ingles. Wala akong kapasidad, walang katangian para maging artista, pero hindi po ’yun ang tiningnan ng ABS-CBN. Ang tiningnan nila ay kung ano ang kapasidad mo para magtrabaho at ipakita ang talento mo,” giit pa nito.

Ayon pa kay Coco, ipaglalaban nya hanngang sa huling hininga lalo pa't kapag nadadamay na lalo na ang kanyang pamilya.



“Kapag ang pamilya ko kinanti, kahit sino ka pa, lalaban ako ng patayan sa iyo kahit patayin mo pa ako,” ani nito.

Hindi maubos isipin ng aktor kung ano ang nagawang mali ng kanilang kumpanya at bakit nangyari ang ganito sa kanila. At sa gitna pa ng pandemya ay nakuha pa itong ipasara.

Mas lalo pang ikinagalit ng aktor ay tila may mga taong tuwang-tuwa pa sa kinahantungan nila. 

Paliwang pa ng aktor, silang mga artista raw ang isa sa mga malalaking magbayad ng buwis, at silang mga artista ay nakapagbibigay din ng saya sa mga tao. Bakit umano sa panahon ng krisis sila pa ang naisip na tanggalin?


"Pasensya na po kayo, sobrang galit na galit lang po ako, ngayon lang po kami maglalabas ng sama ng loob. anong klaseng mga tao ito? sa gitna ng pandemya, nauna nyo pang isipin na ipasara ang ABS-CBN kesa tugunan ang problema ng bansa! Bakit sa panahon ngayon, kami pang mga artista ang naisip nyong tanggalin, nasaan ang hustisya?"


Isa si Coco Martin sa mga mga ipinagmamalaking artista ng ABS-CBN at tinagurian ding "Teleserye King" dahil sa pinakamahabang tv serye sa Pilipinas.


Post a Comment

0 Comments