Larawan mula sa PEP ph at Google |
Alam ng kampo ni Pangulong Rodrigo Duterte kung gaano kalawak ang naabot ng media giant na ABS CBN dahil halos kalahati umano ng kanyang campaign fund noong 2016 elections ay inilaan sa political ad na ipapalabas sa Kapamilya network.
Ayon sa Statement of Contributions and Expenditures
(SOCE) ng Pangulo noong 2016 campaign, nasa P371.46 million ang nakalaan para
sa kanyang kampanya.
Hindi man nagbigay ng listahan ang kampo ng pangulo
kung paano ginastos ang pera, nabanggit naman ito sa statement ng ABS-CBN at
Chief Executive Officer na si Carlo Katigbak sa nagdaang Senate hearing para sa
franchise renewal ng estasyon.
Sa pagdinig noong February 24, sinabi umano ni
Katigbak na nagbayad umano si Duterte ng P117 milyong halaga para sa national
ads at P65 M na halaga naman para sa local ad.
Sinabi rin ng boss ng ABS CBN na ipinalabas nila ang lahat
ng pambansang ad nang noo’y mayor pa lang ng Davao City, ngunit nabigo sila na
ilabas ang P7 M na halaga ng local ads.
Ito ay nangangahulugan na gumastos si Duterte ng kabuuang
P175 milyon para sa mga ad na pinapakita sa Kapamilya network, na katumbas ng
47 porsyento ng kanyang expenses para sa kampanya pagka-pangulo.
Ayon pa sa ulat ng Politiko, pang apat si Pangulong Duterte
sa mga high spender noong 2016 elections. Si Senadora Grace Poe ang nanguna sa
may pinakamalaking nagastos sa kampanya na umabot umano sa P510 milyon, kasunod
si dating senador Mar Roxas na may P487 milyon.
Nasa ikatlong pwesto naman si dating Bise Presidente
Jejomar Binay na gumastos ng P463 milyon at sa huling lugar ay ang yumaong
senador na si Miriam Defensor Santiago, na gumugol naman ng P74.6 milyon.
0 Comments