Photo courtesy of ABS-CBN |
Isa ang 69 anyos na lolo na kinilalang si Jimmy Tindungan sa mga drivers na umasang makakakuha ng P8,000 ayuda mula sa pamahalaan.
Ngunit matapos pumila nang matagal sa bangko, umuwing bigo ang matanda, hindi ito nakatanggap ng cash aid mula sa pamahalaan.
Ayon sa article ng KAMI, si Lolo Jimmy ay isang taxi driver mula sa Bagong Silang, Caloocan. alas-5 pa lang ng umaga ay pumila na siya upang makakuha ng tulong ng ipinamamahagi ng DSWD.
Ngunit, pagkatapos ng mahabang oras na pagpila sa bangko, ay sinabi sa kanya ng kahera na hindi sya kasama sa listahan ng mga drivers na makakatanggap ng ayuda.
Sa kabila ng pagkakaroon ng asthma si Lolo Jimmy, tiniis niya ang paghihintay nang matagal at gutom para lang makakuha ng ayuda ngayong tigil pasada siya dahil sa enhanced community quarantine.
Ayon sa LTFRB, kanilang binabase ang mga pangalan ng mga drivers na makakasama sa P8k cash aid na isinumite ng kanilang mga operators.
Sinabihan si Lolo Jimmy na bumalik na lamang kinabukasan o kaya naman ay tumawag muna sa banko upang malaman kung nakasama na sya sa listahan.
Sa kwento pa ng reporter na si Jacque Manabat, tinawagan niya si lolo Jimmy kinagabihan upang kumustahin ang kalagayan nito. Sabi ni Lolo Jimmy, muntikan na raw siya himatayin habang pauwi.
Mabuti na lamang daw ay may motoristang nagmagandang loob na tulungan siya. Ngunit kalaunan ay hinuli umano sila dahil bawal mag-angkas ng pasahero ngayon sa motorsiklo.
Pagkadating ni lolo Jimmy sa kanilang tahanan ay naghihintay sa kanya ang asawa niyang na-stroke noon at hindi pa kumakain sa buong araw na iyon.
“Nangutang muna ako sa tindahan. Tapos ang daming tumawag sakin na gusto raw tumulong. Pakisabi salamat,” kwento ni Lolo Jimmy.
Tinanong din ng reporter si lolo Jimmy kung kaya pa nya bumalik bukas upang makakuha ng cash assistance, “Kaya pa, ewan ko kung kaya ko pa.” tanging sagot ng matanda.
Base sa Landbank, nililimitahan nila sa 500 na mga drivers na kukuha ng ayuda upang maipatupad pa din ang social distancing sa mga nakapila at sa mga kawani ng bangko.
Dagdag pa ng nasabing bangko, hindi lahat ng drivers ay nabigyan ng tulong dahil limitado lang ang kaya nilang i-accommodate sa 350 na tao kada araw.
Ayon naman sa pahayag ng LTFRB, nasa 37,000 na mga PUV drivers ang inaasahang mabibigyan ng ayuda mula sa pamahalaan. Kanilang simulan ito noong Abril 7.
0 Comments